top of page

Ang Asong Mukhang Ulap

Writer: Sommer B
Sommer B
3 days ago
3 min read

Sa malayong bukid, sa tuktok ng bundok, ay mayroong isang kubo. Mula rito, tanaw ang buong isla at namumukod-tangi ang luntiang mga bundok sa ilalim ng malawak na bughaw na langit.


Ang kubong ito ay tahanan ng mag-asawang Maria at Kaloy. Mayroon silang natatanging aso na pinangalanan nilang Ulap.


Tila nga ba isang mitya dahil habang lumalaki ang tutang ito ay lalong nagmumukhang ulap. Maputi at mahimulmol ang mga balahibo nito, at ang kanyang maliliit ngunit maliliksing mga paa ay tila sumusunod sa hangin sa bilis.


Maraming kaibigan si Ulap na nakatira sa paanan ng bundok. Tuwing dumadayo siya roon upang makipaglaro, madalas siyang mapagkamalang ulap ng mga ito.


"Akala ko ay isa kang ulap na nahawi pababa ng bundok!" pabirong sabi ng kanyang mga kaibigan.


Ngunit hindi natutuwa si Ulap sa tuwing naririnig niya iyon. Siya ay isang aso, at ipinagmamalaki niya ito.


Hindi tulad ng mga tahimik na ulap, kaya niyang tumahol nang malakas, tumalon nang mataas, at tumakbo nang mabilis gamit ang kanyang mga binti.


Hanggang sa nakaisip siya ng isang paraan!


Maghapon siyang naglaro sa alikabok hanggang sa pagpawisan at magkulay-lupa.


Sa wakas, mapapansin na ng lahat na isa siyang tunay na aso at bibigyan siya ng bagong pangalan!


Ngunit nang umuwi siyang puno ng alikabok, naghanda ang kanyang Mamang Maria ng batya at bimpo. Buong ingat siyang nilinis nito.


Kinabukasan, ganoon na lamang ang tuwa niya nang umulan at mapuno ng putik ang paligid!


Tumalon siya nang tumalon sa mga ito hanggang sa mabalot siya ng putik at halos hindi na makilala.


Nagmamadali siyang umuwi matapos ang buong araw na paglalaro.


Ngunit…


Isa, dalawa, tatlo… hanggang sampung kuskos!


"Ayan, malinis ka na muli! Halika na at matulog tayo nang magkatabi sa ating munting dampa," sabi ni Mamang Maria.


"Iisipin na naman nilang isa akong ulap," himutok ni Ulap.


Kaya kinabukasan, mas inigihan pa nya ang pagpapagulong-gulong sa lupa at putikan. Hindi na nga rin niya pinalampas pati ang basurahan.


Ngunit, gaya ng mga nagdaang araw, matiyaga siyang nilinis ni Mamang Maria.


Ganito rin ang nangyari kinabukasan. At kinabukasan pang muli.


Maghapon siyang naglalaro sa putikan, at pagsapit ng gabi ay muli siyang nagiging isang malambot na ulap.


Kalaunan, napagod na si Ulap.


Unti-unti, hindi na siya gaanong nakikipaglaro. Hindi na siya maganang kumain. Hindi na rin niya ginagamit ang malakas niyang tahol. Sa halip, tahimik na lamang siyang nakahiga sa isang sulok.


Napansin nina Mamang Maria at Papang Kaloy ang pagbabago sa kanilang alaga.


"Kaloy, napansin mo ba? Hindi na masyadong naglalaro si Ulap. Hindi ko na rin naririnig ang malakas niyang tahol tuwing umaga. May sakit kaya siya?" malungkot na sabi ni Mamang Maria.


Hindi naman sakit ang nararamdaman ni Ulap. May bumabagabag lamang sa kanyang munting puso.


Isang araw, habang kasama ang kanyang mga kaibigan, may nagpakilalang bagong salta sa kanilang nayon.


"Hello sa inyong lahat! Ang pangalan ko ay Cow," masayang bati nito.


"Cow? Hindi ba't iyan ang Ingles ng baka?" tanong ng isa.


Nagtawanan ang lahat.


"Oo! Ang pangalan ko ay Cow dahil ang amo kong dumampot sa akin noong ako'y ligaw pa ay natutuwa sa itsura ng mga baka. Sabi niya, kahawig daw ng mga baka ang kulay at mga batik ko!"


Muling nagtawanan ang lahat. Ngunit si Ulap ay napaisip.


"Hindi ka ba naiinis na ipinangalan ka sa baka?"


Sumagot si Cow, "Hindi naman! Sa tuwing nakakakita ako ng baka, naaalala ko ang amo kong mahilig sa mga ito."


Tumingin si Ulap sa himpapawid.


Naisip niya sina Mamang at Papang at ang kanilang munting kubong tanaw ang kalangitan.


Kay ganda nga ng mga ulap.


"Kaya pala Ulap ang pangalan ko! Dahil nagagandahan sa mga ulap sina Mamang at Papang. Marahil, ibinigay nila sa akin ang pangalang iyon dahil natutuwa rin sila sa akin, gaya ng pagkatuwa nila sa mga ulap."


Napangiti siya sa kanyang naisip. Pinangalanan pala siya nang buong pagmamahal.


Simula nga noon, hindi na niya ininda tuwing napagkakamalan siyang ulap.


"Mukha siyang ulap!" sabi ni Aleng Maricel nang sumama siya kina Mamang at Papang sa pagbili ng isda.


"Arf! Arf!" masayang tumahol si Ulap.


"Isang asong ulap!" tugon ni Aleng Maricel.


Muli nang nakikipaglaro si Ulap sa kanyang mga kaibigan. Tumatakbo, tumatalon, at tumatahol nang buong sigla.


Maghapon pa rin siyang naglalaro sa paanan ng bundok. Hindi na upang patunayan na isa siyang aso, kundi dahil napakasayang gawin nito.


At alam niya na sa kanyang pag-uwi, mabalot man siya ng putik, siya pa rin ang natatangi at nag-iisang asong ulap nina Mamang at Papang.

Recent Posts

See All

Comments


Untitled design.png

© 2026  Straylight.ph. All rights reserved.

bottom of page